Mahirap din itong kinalalagyan ni Nic Belasco na sa edad na 36-taong gulang ay inaasahan ni Sta. Lucia Realty coach Teo-dorico Fernandez III na siyang pumuno sa puwestong binakante ng superstar na si Kelly Williams na ‘di hamak na mas bata!
Kasi nga, hindi na nga bumabata si Belasco. Kung sana ang buhay ay parang ‘yung kay “Benjamin Buttons” baka sakaling kaya ni Belasco na gawin ang ginagawa ni Williams. Pero hindi nga pabaligtad ang daloy ng buhay, eh.
Kumbaga sa plikulang cowboy, nakasakay na sa kabayo si Belasco at patungo na sa araw na lumulubog. Lipas na ang kanyang prime although kahit paano’y mayroon pa rin siyang ibubuga.
Ito’y base sa kanyang performance noong nakaraang season nang siya’y naglalaro pa sa Coca-Cola Tigers. Sa 2008-09 season, si Belasco ay nag-average ng 11.8 puntos at 7.7 rebounds sa kabuuang 32 games.
Not bad!
Kaya nga mataas pa ang kanyang market value at kinuha pa siya ng Talk N Text sa simula ng kasalukuyang season. Pero sa nakaraang Philippine Cup ay nalunod si Belasco sa dami ng malalaking tao ng Tropang Texters at bumaba na nang husto ang kanyang playing time. Siyempre, bumaba na din ang kanyang mga numero.
Naging expendable na siya. Nang mag-upgrade angTropang Texters at kunin sina Williams, Ryan Reyes at Charles Waters buhat sa Sta. Lucia Realty, ipinamigay si Belasco bilang kapalit kasama nina Ali Peek at Pong Escobal.
Sa totoo lang, maganda ang trade na ito para kay Belasco dahil sa tiyak na madaragdagan ang kanyang playing time. At kung magagampanan niya ang papel na inaasahan ni Fernandez na gampanan niya, aba’y hahaba pa ang kanyang playing career sa PBA.
Sa kasalukuyan, ito ang ika-14 season ni Belasco sa PBA.
Pumalaot siya sa pro league noong 1997 at kinuha siya ng Pop Cola bilang No. 2 pick overall matapos na kunin ng Mobiline (ngayo’y Talk N Text) si Andy Seigle bilang top pick. Bagamat si Seigle ang nahirang na Rookie of the Year ng season na iyon, mas tumagal naman ang career ni Belasco at mas marami siyang kampeonatong napanalunan. Si Seigle ay nagretiro matapos ang 2007 season matapos na mapunit ang anterior cruciate ligament (ACL).
Si Belasco ay nalipat sa San Miguel Beer noong 2009 at naging bahagi ng ilang kampeonatong napanalunan ng Beermen. Noong 2005-06 ay ipinamigay siya sa Alaska Milk. Matapos ang dalawang seasons ay napunta siya sa Welcoat Paints kung saan tumagal lang siya ng isang conference bago nalipat sa Coca-Cola kung saan naglaro siya ng tatlong conferences. Ang Sta. Lucia ang ikapitong koponan ni Belasco sa PBA.
Wow! Biruin mo iyon? Pito sa sampung teams sa PBA ay napaglaruan niya. Tanging sa Ginebra, Purefoods at Air 21 lang siya hindi nakapaglaro!
Well, wala na naman sigurong kailangang patunayan pa si Belasco. Kung sakali, nais lang niya na maging maganda ang (mga)huling seasons niya sa pro league bago tuluyang magretiro.