MANILA, Philippines - Bakbakan sa pagitan ng dalawang koponang nagtagisan para sa kampeonato sa nagdaang series ang masisilayan sa pagbubukas ng Dunkin’ Donut Series VI ngayon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Ganap na ala-1:30 ng hapon magbabangga ang nagdedepensang Batangas Bulls laban sa Manila Sharks sa natatanging laro na hudyat ng pagbabalik ng ligang inorganisa ng Community Sports Inc.
Bago ito ay magsasagawa muna ng opening ceremonies ganap na alas-12 ng tanghali at ang inimbitahan para maging panauhing pandangal ay si Ernesto Co, Vice President at General Manager ng Dunkin’ Donut.
Anim na koponan ang magtatagisan sa kompetisyong ito at ang kukumpleto sa mga kalahok ay ang Cebu Dolphins, Alabang Tigers, Forward Tagiug at bagitong Pampanga Sand Kings.
Single round robin ang magaganap sa eliminasyon at ang apat na nangungunang koponan ang aabante sa crossover semifinals.
Ang mangungunang dalawang koponan ay may twice-to-beat at ang mananalo sa semis ang maghaharap sa best-of- three finals.
Solido pa rin ang line-up ng Bulls at magbabalik ang mga pambatong manlalaro na nakatulong sa pagkasungkit sa ikalawang titulo ng koponan tulad nina pitchers Romeo Jasmin at Vladimir Eguia.
Babalik na rin ang dating Homerun King na si Virgilio Roxas dahil ang mga kasapi ng national team ay balik aksyon sa torneo.
Lalakas naman ang Sharks sa pagpukol uli ni national player Charlie Labrador habang ang opensa ay iaasa sa kamay nina Jarus Inobio, Francis Candela at Ryan Malig.
Maliban sa Bulls na kampeon din sa Series II, ang Cebu ay magtatangka rin na makuha ang ikatlong titulo sa Liga kaya’t ito ang isa sa nagdaragdag interes sa kompetisyon.