POC pipigilan ang renobasyon sa football field, TRO nakaumang
MANILA, Philippines - Posibleng maudlot ang pagsasaayos ng football field na pinagkasunduang gawin ng Philippine Sports Commission at ng De La Salle University.
Sa POC General Assembly kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City ay nagkaisa ang mga dumalo na magpasa ng resolusyon na pipigil sa kasunduang ito.
Pinipigilan ng resolusyon ang Memorandum of Agreement (MOA) ng PSC at La Salle dahil sa paniniwalang mali ito dahil ang Rizal Memorial Sports Complex ay hindi pag-aari ng isang tao o kumpanya at hindi nagkaroon ng malinaw na konsultasyon sa football at athletics association na siyang maaapektuhan ng kasunduan.
Hindi gagamitin ng Philippine Football Federation ang nasabing venue kahit na maisaayos habang ang mga manlalaro ng PATAFA ay hindi na rin puwedeng makapagsanay dahil hindi puwedeng gamitin ang field sa throwing events habang ang lanes sa oval ay mababawasan na rin ng dalawang lanes.
Epekto rin nito ay ang kawalan na ng lugar upang makapagdaos ng kompetisyon sa track and field, lokal man o internasyonal na torneo dahil ang walong lane ang dapat para maging official venue.
“We’re definitely objecting to this thing, the renovation transforming the track and field to something else. They’re putting to stop the training of the athletes,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr.
Susulat muna ang POC sa PSC at La Salle para pakiusapang huwag ng ituloy ang pagkukumpuni sa field at kung hindi pakikinggan ay saka nila isusulong ang legal action tulad ng paghingi sa korte ng Temporary Restraining Order.
Sa kasunduan, ang La Salle ang gagastos sa renobasyon sa field pero mabibigyan sila ng prayoridad ng PSC upang magamit ang venue kapag naisaayos na.
Ang mga professors ng La Salle ay tutulong din sa PSC sa plano nilang Sports Academy na itatayo sa North at South Tower sa Rizal Memorial Track Oval.
- Latest
- Trending