MANILA, Philippines - Naipagpatuloy nina Francis Casey Alcantara at John Morrissey ng Ireland ang magandang inilalaro nang makaabante ang mga ito sa quarterfinals sa idinadaos na 51st Trofeo Bonfiglio sa Milan Italy.
Hindi umubra ang husay ng Austrians na sina Sebastian Stiefelmeyer at Dominic Thiem ng mangibabaw sina Alcantara at Morrissey sa straight sets na 6-3, 7-6 (5), sa round of 16 na tagisan kahapon.
Ngunit ang kampanya ng isa pang Filipino sa katauhan ni Jeson Patrombon ay nagwakas na nang sila ni British netter Richard Gabb ay hindi makaporma kina Italians Marco Cecchinato at Giammarco Micolani, 1-6, 6-7(4).
Ang kabiguan ay nangyari matapos kuminang sina Patrombon at Gabb laban sa number two seeds na sina Guilherme Clezar ng Brazil at Yasukata Uchiyama ng Japan, 6-3, 2-6 (10-7).
Sa tindi ng kompetisyong ito na nilalaro sa clay courts ay tatlong seeded na lamang ang nakatayo at kasamang namahinga na ay ang top seeds na sina Damir Dzumhur ng Bosnia and Herzegovina, at Mate Zsiga ng Hungary na tinalo ng unseeded na sina Richard Muzaev ng Russia at Dennis Novikov ng USA, 7-6(4) 6-4.