Suns nadalawahan ng Lakers sa Los Angeles
LOS ANGELES - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling nakontrol ng nagdedepensang Los Angeles Lakers si Steve Nash pati na ang magandang opensa ni Grant Hill.
Tinalo ng Lakers ang Phoenix Suns, 124-112, sa Game 2 upang kunin ang malaking 2-0 abante sa kanilang best-of-seven Western Conference finals.
“We’ve been able to play both styles of basketball,” pahayag ni Lakers head coach Phil Jackson. “We like to control the pace, but we feel comfortable if it’s an accelerated pace.”
Ito ang unang pagkakataon na natalo ng dalawang sunod ang Suns matapos noong Enero 25 at 26.
Humugot si Pau Gasol ng 14 sa kanyang 29 points sa fourth quarter, habang umiskor naman ng 21 si Kobe Bryant bukod pa ang 13 assists para sa pang walong sunod na panalo ng Lakers sa playoffs.
“We just got to do a better job,” sabi ni Hill, tumipa ng 6-of-7 fieldgoals shooting para tumapos na may 23 puntos para sa Phoenix. “We got to try to figure it out.”
Mula sa 14-point deficit, naitabla ng Suns ang laro sa 90-90 sa third period hanggang rumatsada ang Lakers sa fourth quarter patungo sa kanilang tagumpay.
“We started turning the ball over three straight times,” sabi ni Phoenix head coach Alvin Gentry. “They went down and got baskets. We never really got any control after that.”
Nagposte si Jason Richardson ng 27 points para sa Suns kasunod ang 23 ni Hill, 18 ni Amare Stoudemire at 11 ni Nash na naglista ng 15 assists.
- Latest
- Trending