MANILA, Philippines - Matapos makalasap ng kabiguan, bumangon sina cue masters Efren “Bata” Reyes at Jose “Amang” Parica sa loser’s brackets para mapanatiling buhay ang kanilang mga tsansa sa 2010 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas Nevada, USA.
Tinalo ni Reyes si American James Baraks, 9-5, habang binigo naman ni Parica ang kababayan nitong si Beau Runningen, 9-7, sa true double elimination, winner’s break format.
Ang torneo ay naglalatag ng kabuuang US$ 89,000 prize purse kung saan ang US$20,000 ay makukuha ng magkakampeon at US$12,500, US$8,500 at US$ 5,700 ang matatanggap ng second hanggang fourth-placer, ayon sa pagkakasunod.
Natalo kamakalawa si Reyes kay Roberto “Pinoy Superman” Gomez, 6-9, sa second round ng winner’s bracket, samantalang yumukod naman si Parica via default kay Sarah Rousey ng USA sa opening round.
Sa third round sa winner's bracket, makakatagpo ni Gomez si Jason Klatt, habang makakaharap ni Francisco "Django" Bustamante si Edwin Montal at makakatapat ni Dennis Orcullo si Stan Tourangeau.
Makakalaban naman ni world 8-ball at 9-ball champion Ronnie "The Volcano" Alcano si Thomas Engert; makakaduwelo ni Lee Vann Corteza si Francis Crevier; sasagupain ni Warren Kiamco si Ralf Souquet at makakaengkuwentro ni Al Lapena si Mike Dechaine.