MANILA, Philippines - Hindi kinaya ni Jeson Patrombon na masustina ang magandang inilaro sa second set upang mamaalam na sa boys singles ng 51st Trofeo Bonfiglio na nilalaro sa clay courts sa Milan, Italy.
Nakaharap ang unseeded na Brazilian na si Victor Galvao, bumigay si Patrombon sa ikatlo at deciding set tungo sa 6-2, 4-6, 6-2, kabiguan sa round of 32 play sa Grade A tournament ng International Tennis Federation (ITF).
Bago ito ay kumubra muna ng 4-6, 7-5, 7-6(5) panalo si Patrombon laban sa third seed at number eight ranked player sa mundo na si German Kevin Krawietz sa round of 64 upang maging kauna-unahang Filipino netter na nakaabante sa Italian Open.
Sa kabiguang ito, sa doubles na lamang magsisikap bumawi ang number 50th ranked sa mundo na si Patrombon matapos manalo sila ng kakamping si Richard Gabb ng Great Britain sa boy’s doubles.
Kinalos ng tambalan at second seeds sina Guilherme Clezar ng Brazil at Yasukata Uchiyama ng Japan, 6-3, 2-6 (10-7), upang makaabante sa round of 16.
Ang isa pang Filipino netter na si Francis Casey Alcantara na namaalam agad sa unang laro sa singles ay nakausad din nang mangibabaw sila ni John Morrissey ng Ireland laban sa eight seeds na sina Nick Chappell at Dane Webb ng USA, 6-1, 7-5.