UST, Lyceum sa knockout game

MANILA, Philippines - Kailangang maipakita ng Ly­ceum ang masidhing pagnanais na marating ang finals sa Shakey’s V-League Season 7.

Sa ganap na alas-4 ng ha­pon ay magtutuos ang Lady Pirates at five-time champion UST sa pagtatapos ng semifi­nals ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at handog ng PLDT MyDSL.

Ang mananalo ang siyang kukuha ng karapatan na hamunin ang San Sebastian na na­unang nakarating sa best of three finals sa bisa ng 21-25, 25-22, 23-25, 25-21, 15-12, ta­gumpay sa Ateneo kamakalawa para sa 2-0 sweep sa best-of- three semis series.

Unang finals ang pakay na maabot ng Lady Pirates at dapat silang magpakita ng tibay ng dibdib at kakayahang maglaro under pressure bagay na hindi nila nagawa sa game two.

Matapos ang pagkamada ng 35 puntos nang ipanalo ang Lady Pirates sa Game 1, ay bumagsak ang laro ni Thai im­port Porntip Santrong nang magtala lamang ng 12 puntos, mula sa 11 kills.

Bunga ng paglamya ng laro ni Santrong ay nakapagdomina ang Lady Tigresses sa net game at patunay rito ay ang kinuhang 46-28 puntos sa kills para maitabla ang kanilang serye.

Maliban kay Santrong ay dapat ding manumbalik ang sigla sa depensa ng Lady Pirates dahil tiyak na mas buhos ang ipakikitang laro ng UST para mapanatiling buhay ang hangaring ikatlong sunod na titulo at record na pang-anim na titulo sa ligang suportado rin ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.

Sina Aiza Maizo, Mary Jean Balse, Ma. Angeli Tabaquero at Rhea Dimaculangan ang ma­ngunguna sa España-based Univ­ersity para makuha ang ka­rapatang labanan ang Lady Stags sa kampeonato.

Sina Maizo at Tabaquero nga ay nagsanib sa 27 kills habang may apat na blocks din si Maizo upang maipakita ang pormang naghatid sa kanya sa Most Valuable Player award sa nagdaang season.

Show comments