MANILA, Philippines - Tumipa si Cyrus Baguio ng 19 puntos sa first period mula sa kanyang perpektong 9-of-9 fieldgoal shooting.
Mula rito, dumiretso ang Alaska sa kanilang pangalawang sunod na arangkada matapos igupo ang minamalas na Coca-Cola, 108-98, sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Big Dome.
Tumapos si Baguio na may conference-high 28 puntos, tampok ang 15-of-19 fieldgoals, 5 rebounds, 5 assists at 3 steals upang pangunahan ang Aces kasunod ang 18 ni import Diamon Simpson at tig-13 nina Joe Devance at LA Tenorio.
Nalasap ng Tigers ang kanilang pang anim na dikit na kamalasan sa kabila ng game-high 35 produksyon ni reinforcement Rashad Bell kung saan 18 rito ay kanyang hinugot sa first half.
Ang kamada ni Baguio sa first quarter ang nagbigay sa Alaska, may 6-4 baraha ngayon katabla ang Barangay Ginebra sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (9-1), Talk ‘N Text (7-2) at Derby Ace (6-3) kasunod ang Rain or Shine (4-5), Sta. Lucia (4-6), Coke (4-7), Barako Coffee (2-8) at Air21 (1-9), ng 28-21 abante patungo sa kanilang 10-point lead, 33-23, sa 9:53 ng second period buhat sa three-point shot ni Larry Fonacier.
Sa likod ng isang four-point play at 3-pointer ni Bell, naagaw ng Tigers ang unahan sa 58-52 sa 9:30 ng third quarter kung saan nila ginamit ang full court press.
Isang 11-0 bomba ang inihulog ng Aces galing kina Simpson, Fonacier at Reynel Hugnatan para sa kanilang 77-67 bentahe sa 1:47 ng third canto.
Samantala, inunahan naman ng Tigers ang Aces sa pagbibigay ng parangal kay Jeffrey Cariaso matapos iretiro ang jersey number ng 37-anyos na si “The Jet”.
Alaska 108 - Baguio 28, Simpson 18, De Vance 13, Tenorio 13, Hugnatan 9, Dela Cruz 8, Borboran 7, Fonacier 6, Thoss 4, Eman 2.
Coke 98 - Bell 35, David 23, Macapagal 16, Taulava 10, Espino 6, Ross 4, Bono 2, Calimag 2, Allera 0.
Quarterscores: 28-21, 50-45, 82-74, 108-98.