Kababaihang runners lalahok sa Lactacyd 21K marathon
MANILA, Philippines - Isang kompetisyon na susukat sa tibay ng mga kababaihang runner ang isasagawa sa Hunyo 27 sa Venice Piazza Mall sa McKinley Hill sa The Fort.
Inihandog ng Woman by Lactacyd, ang kompetisyon ay isang relay event na bukas sa lahat ng antas ng kababaihan. Ang isang koponan ay bubuuin ng apat na kababaihan na hahatiin ang pagtakbo sa 21 kilometrong distansya.
“We hope to encourage women, including those achievers in their respective fields, to take up running as an inexpensive, convenient sport for a healthy lifestyle,”wika ni Lactacyd product manager Alde Po nang dumalo ito sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon.
Ang unang takbo ay inilagay sa 10-kilometro bago ito sundan ng tagisan sa 5k at dalawang magkasunod na 3-k distance para mabuo ang 21-K.
Ang mga kasapi ng koponan ang bahalang magtalaga ng mananakbo sa nabanggit na mga distansya at ang mga babaing edad 18 hanggang 45 ang puwedeng sumali.
Ang isang runner ay puwedeng dalawang distansya ang takbuhin na gagawin sa unang yugto at huling yugto.
Upang maihanda ang mga kalahok, isang libreng running clinic naman ang gagawin mula Mayo 30 hanggang Hunyo 13 para sa mga bagito at sa Hunyo 6 para sa mga sanay ng tumakbo sa Venice Piazza Mall.
Ang mga magtuturo ay sina Bea Locsin, Leica Carpo, Chesca Carpo at Amanda Carpo na lalahok din sa kompetisyon.
- Latest
- Trending