MANILA, Philippines - Tatlong banyagang koponan ang mga nagkumpirma ng kanilang paglahok sa 2010 Milo National Open Track and Field Champonships na magsisimula sa Mayo 21 hanggang 23 sa Rizal Memorial Track Oval.
Ang mga manlalaro ng Chinese Taipei, Korea at Sabah, Malaysia ang mga nagpasabi na sa organizers na Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ng kanilang paglahok upang madagdagan ang kinang ng tatlong araw na torneo na suportado ng Milo at Philippine Sports Commission (PSC).
Natuwa si PATAFA president Go Teng Kok sa paglahok ng mga dayuhan dahil hindi na nga nag-imbita ang kanyang asosasyon ng mga banyagang kalahok para sa edisyong ito.
“Welcome namin ang mga foreign athletes na gustong sumali dahil mas tataas ang level ng competition at talagang masusubok ang mga local players natin,” wika ni Go.
Mga pole vaulters ang isasali ng Chinese Taipei at Korea habang mga junior athletes ang balak na ipadala ng Sabah sa kompetisyong naglalayong tumuklas ng mga bata na may potensyal upang mapabilang sa national pool ng asosasyon.
Inaasahang hindi naman bababa sa 20 local teams, kasama ang mga malalakas na koponan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na makikiisa sa kompetisyon.
Ang opening ceremony ay gagawin sa Biyernes ng umaga at ang inimbitahan upang maging panauhing pandangal ay si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose Cojuangco Jr.