MANILA, Philippines - MANILA, Philippines - Aasahan ng San Sebastian at Lyceum ang muling matibay na paglalaro buhat sa kanilang Thai imports upang makuha ang mahalagang tagumpay sa kanilang mga katapat at maselyuhan ang pagkikita sa finals sa Shakey’s V-League Season 7 ngayon sa The Arena sa San Juan.
Unang sasalang ang Lady Stags laban sa Ateneo sa alas-2 ng hapon na tagisan bago sumunod ang Lady Pirates laban sa UST dakong alas-4 sa Game Two ng kani-kanilang semifinals series.
Nakaalagwa sa mahalagang 1-0 bentahe ang San Sebastian at Lyceum ng kakitaan ng impresibong paglalaro sina Jeng Bualee at Porntip Santrong.
Kumawala sa 20 puntos si Bualee, kasama ang 17 kills at 2 blocks upang pangunahan ang 25-21, 25-18, 25-18, tagumpay sa Lady Eagles na kinulang ng arsenal dahil sa pagkawala ni Charo Soriano bunga ng ACL injury.
Tiwala si coach Roger Gorayeb sa kakayahan ng kanyang koponan na tapusin ang laban ngunit alam niyang hindi dapat magkumpiyansa ang mga bataan upang makausad na ng tuluyan sa finals sa torneong inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT MyDSL sa tulong ng Shakey’s Pizza.
“May kakayahang bumangon ang Ateneo kaya hindi dapat kami magpabaya,” wika ni Gorayeb na balak ihatid ang San Sebastian sa kanilang ikaanim na paglalaro sa championship round.
Unang pagkakataong makapasok sa Finals naman ang magpapainit sa Lyceum sakaling makadalawang sunod sila sa five-time champion UST.
Kumawala ng 35 puntos kasama ang 27 kills ni Santrong kasama ang mga mahahalagang puntos sa huling dalawang sets para makumpleto ng Lady Pirates ang 30-32, 25-15, 23-25, 25-23, 15-10, panalo sa Lady Tigresses.
Maliban sa opensa ni Santrong ay nakitaan din ng matibay na depensa ang Lyceum na siyang nais na muling makita ni coach Emil Lontoc para tuluyang mapatalsik ang UST sa torneong suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.