MANILA, Philippines - Sa ikatlong sunod na taon ay mayroong malaking torneo sa bilyar ang pinagharian ni Dennis ’Robocop’ Orcullo.
Napanatili ng tinaguriang Money King ng Pilipinas na si Orcullo ang matibay na paglalaro upang daigin ang di inaasahang finalist na si Toru Kuribayashi ng Japan tungo sa 8-3 panalo sa Finals ng 2010 Party Pool.com World Pool Masters na natapos kahapon sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Kinatampukan ng tagumpay ni Orcullo, mula Busgy Stable, ang pagpanalo sa huling pitong racks na pinaglabanan upang makabangon buhat sa 1-3 pagkakalubog sa Hapon at masungkit ang pinakamalaking panalo sa taong ito.
Nakapaglaro muna si Orcullo sa World 8-ball Championship na kung saan tumapos ito sa pang-17 bago isinunod ang World Team Championship katambal sina Ronato Alcano, Antonio Lining at Lee Van Corteza at tumapos ang koponan sa pangalawang puwesto.
Ang panalo ay natiyak din na magiging memorable ang taong kay Orcullo tulad ng nangyari noong 2009 at 2008 nang kanyang mapangunahan ang International Predator 10-ball at Qatar World Open 9-ball ayon sa pagkakasunod.
Nasimulan nga ni Orcullo ang race to 8 finals ng pagkakamali nang mabitin sa butas ang 6-green ball na nakatulong upang makaalagwa sa 2-0 si Kuribayashi.
“I was worried when I missed the 6-ball and it was unexpected but sometimes that can happen. I just controlled myself and continued my game right until the end,” wika ni Orcullo.
Mula sa 1-3 iskor, nakuha niya ang hinahanap na break nang sumablay ang katunggali sa pabandang tira sa 4-pink ball.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Orcullo at nang nakuha ang tamang tumbok ay nagsimula nang ipakita ang kanyang tunay na porma tungo sa dominateng tagumpay.
Ang panalo ay nagkahalaga rin ng $20,000 buhat sa $100,000 pero higit rito, labis ang kagalakan ni Orcullo dahil muli niyang nabigyan ng karangalan ang Pilipinas.
“This is great news for the Philippines and many people have followed this competition in my country. It was very difficult to play in the finals as you try to not think that if you win this game they you are the champion. I had to tell myself to just try and control my emotion,” ani Orcullo.
Tinalo ni Orcullo ang kababayang si Roberto Gomez sa semifinals, 8-6, habang si Kuribayashi na bumangon matapos matalo sa unang laro sa group elimination ay nangibabaw naman laban kay Oliver Ortmann, 8-3, para makuha ang karapatang lumaro sa Finals.
Halagang $10,000 naman ang pabuya ni Kuribayashi bukod pa sa nakuhang respeto sa mga lumahok sa torneo. Pakonsuelong tig-$5000 naman ang naibulsa nina Gomez at Ortmann.