Lady Pirates, Stags lumapit sa finals
MANILA, Philippines - Ipinakita ni Porntip Santrong ang laro ng isang import upang tulungan ang Lyceum tungo sa 30-32, 25-15, 23-25, 25-23, 15-10, panalo laban sa five-time champion UST sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 7 semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan.
May 35 puntos ang Thai reinforcement kasama ang 27 kills upang ipahiya ang ipinagmamalaking depensa na siyang naghatid sa Lady Tigresses sa mga titulo upang mahawakan ang mahalagang 1-0 kalamangan sa best of three semis series sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT myDSL sa suporta ng Shakey’s V-League.
“I believe we can beat any team in this league,” wika ng masayang coach na si Emil Lontoc.
Tumagal ang laban sa loob ng dalawang oras at siyam na minuto at ang magkabilang koponan ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na maipanalo ang laro. Pero mas kuminang ang laro ng Lady Pirates lalo na nang malubog sa third set na nagbigay daan upang umalagwa sa 2-1 lead ang Lady Tigresses.
Kasabay ng matibay na paglalaro ni Santrong na mayroon ding pitong aces, sina Nica Guliman at Joy Cases ay naghatid din ng tig-17 puntos.
May 24 hits tungo sa kabuuang 26 puntos si Aiza Maizo habang nag-ambag ng 14, 10 at 10 sina Michelle Carolino, Maika Ortiz at Angeli Tabaquero pero nasayang ang mga ito nang kumulapso ang kanilang depensa at nagtala rin sila ng mga errors sa mahalagang tagpo ng sagupaan.
Inihakbang rin ng San Sebastian ang kanilang isang paa patungo sa kanilang pang-anim na finals appearance matapos pabagsakin ang Ateneo Lady Eagles sa iskor na 25-21, 25-18, 25-18 sa isa pang semis match.
- Latest
- Trending