MANILA, Philippines - Kumuha ng dalawang dikit na panalo si Dennis Orcollo upang makaabante na sa quarterfinals sa 2010 Party Poker World Pool Masters kahapon sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ang tubong Bislig, Surigao del Sur ay nakabawi sa kabiguang ipinatikim sa kanya ni Sweden’s Marcus Chamat sa group eliminations nang kunin ang 9-7 panalo sa pagsisimula ng Knockout stage.
Mas humusay ang tumbok ni Orcollo nang kunin ang 8-1 panalo kay Raj Hundal ng India sa Last 16 upang mangailangan na lamang ng tatlo pang panalo para hiranging kampeon ng torneo at kunin ang $20,000 unang gantimpala sa $100,000 kabuuang premyo.
Hahangarin ni Orcollo na makaabante sa pagpanalo sa kanyang susunod na laro laban kay John Morra ng Canada na tinalo sina American’s Rafael Martinez, 9-7, at John Schmidt, 8-4.
Ang isa pang Filipino cue artist na si Roberto Gomez ay buhay pa rin nang kalusin si Huidje See ng Netherlands, 9-4, sa Last 32.
Sunod na kalaro ni Gomez na kasamahan ni Orcollo sa Bugsy Promotions, si Jayson Shaw ng USA na tinalo muna ang kababayang si Dennis Hatch, 9-5.
Nakasama naman ni Orcollo sa quarterfinals si Ralf Souquet ng Germany na kumulekta na rin ng dalawang panalo laban kina Do Hong Quan ng Vietnam, 9-7, at Ricky Yang ng Indonesia, 9-6.
Ang mananalo kina Gomez at Shaw ang sunod na kalaro ni Souquet.
Kung parehong manalo pa sa quarterfinals sina Orcollo at Gomez, ang dalawang Pinoy ang maglalaban para sa isang puwesto sa Finals.
Ang iba pang manlalaro na nakausad sa Last 16 ay sina Naoyuki Oi ng Japan, Charlie Williams ng USA, Daryl Peach ng Great Britain, Toru Kuribayashi ng Japan, Rodney Morris ng US, Thomas Engert, Oliver Ortmann at Thorsten Hohmann ng Germany.