MANILA, Philippines - Nang isalpak niya ang kanyang unang basket bilang isang Tropang Texter sa 3:05 ng first period, alam ni Kelly Williams na hindi na ang uniporme ng mga Realtors ang kanyang isusuot sa bawat laro.
Nakakuha ng 13 puntos, 4 rebounds, 1 assist at 1 steal sa bagong hugot na si Williams, tinalo ng mainit na Talk ‘N Text ang bumubulusok na Coca-Cola, 103-93, para sa kanilang pang anim na sunod na arangkada sa classification phase ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
“It feels good wearing a new jersey and it feels good to be able to get a win,” sabi ng 2008 PBA Most Valuable Player na si Williams, nanggaling sa Sta. Lucia kasama si Reyes via three-team, nine-player trade noong Miyerkules ng gabi.
Itinaas ng Tropang Texters ang kanilang baraha sa 8-2 sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel Beermen (8-1) kasunod ang Derby Ace (5-3), Ginebra (5-4), Alaska Aces (4-4), Rain or Shine (4-4), Sta. Lucia (4-5), Tigers (4-6), Barako Coffee (2-7) at Air21 (1-8).
Maski ang pagbandera sa scorer na si Rashad Bell kapalit ni James Penny ay hindi nakapigil sa pang limang dikit na kamalasan ng Coke ni Bo Perasol.
Matapos ang unang puntos ni Williams mula sa pasa ni Jason Castro sa 3:05, itinala ng Talk ‘N Text ang isang 12-point lead, 24-12, sa first period patungo sa kanilang 94-84 bentahe sa 5:09 ng fourth quarter.