MANILA, Philippines - Ikokonsidera si Serbian import Milan Vucicevic bilang kandidato sa naturalization kung maganda ang ipakikita nito sa paglahok bilang import ng Smart Gilas Pilipinas sa 21st FIBA-Asia Champions Cup sa Doha Qatar.
Ang 6’10 na si Vucicevic ay nasa bansa na at nakikipagsanay na sa Pambansang koponan nahawak ni Serbian coach Rajko Toroman at makikilatis ang kanyang husay sa paggiya sa koponan sa respetadong pagtatapos sa torneong pinahihintulutan ang mga kasali na maglaro taglay ang dalawang imports.
“He has to learn the system first. And of course, he and the team must blend well and we’ll know this in the Champions Cup,” wika ni Toroman.
Si Vucicevic ay beterano na matapos makapaglaro sa mga liga sa Cyprus, Oman, Poland at Greece.
Nauna nang nakakuha ng mga kandidato ang koponan pero naudlot ito nang umalis din ang mga napusuang American imports na sina CJ Giles at Jamal Sampson.
May mga pangalang binanggit uli bilang kandidato pero hindi rin natuloy ito nang nagdesisyon ang mga ikinonsidera na maglaro na lamang sa ibang bansa.
Puspusan ang paghahanap ng Gilas sa tamang import upang ma-naturalize para mapalakas ang hangaring makalabalik sa Olympics sa 2012 sa London.
Dapat na makakuha na ng tamang import ang koponan dahil ang qualifying event para sa London Olympics ay gagawin sa susunod na taon gamit ang FIBA-Asia Men’s Championships.
Ang Champions Cup ay gagawin mula Mayo 22 hanggang 30 at ang mga malalakas na koponan dito ay ang Iran, Jordan at Lebanon.