CLEVELAND - Itinulak ng Boston Celtics ang two-time MVP na si LeBron James at ang Clevaland Cavaliers sa balag ng alanganin.
Umiskor si Ray Allen ng 25 points, habang nagtala naman si Rajon Rondo ng kanyang kabuuang 16 marka sa second half para sa 120-88 paglampaso ng Celtics sa Cavaliers ni James sa Game 5 at kunin ang 3-2 lamang sa kanilang semifinals series.
Tumipa si Paul Pierce ng 21 puntos at may 18 naman si Kevin Garnett para sa Celtics na nagpalasap sa Cavaliers ng kanilang pinakamasamang home playoff loss at maaari pang wakasan ang kampanya ng Cleveland sa panalo sa Game 6 sa Huwebes.
“We cannot come back here,” wika ni Garnett. “We have to think this is our Game 7 coming up and we cannot afford to have the best team in the league have a Game 7 on their floor. Just not possible.”
Nagposte naman si James ng 15 marka mula sa malamyang 3-of-14 fieldgoal shooting.
“I missed a lot of open shots that I normally make,” sabi ng 25-anyos na si James na ayaw aminin na apektado siya ng kanyang elbow injury. “You don’t see that out of me a lot so when it happens, it’s a big surprise.”
Hangad ng Cavaliers ang kanilang unang NBA trophy matapos noong 1964.
“Our backs are against the wall,” dagdag ni James. “We’ve won on that floor before and we’ve got to get it done.”
Nalimita naman si Rondo, kumabig ng 29 points, 18 rebounds at 13 assists sa panalo ng Boston sa Game 4, sa first half hanggang umiskor ng 12 sa third period para sa pagtatayo ng Celtics ng isang 21-point lead.
Itinaas ng Boston sa 24 puntos ang kanilang kalamangan sa Cleveland sa fourth quarter upang tuluyan nang pauwiin ang mga Cavaliers fans.