Bustamante tinalo si Archer, WPBL dinomina
MANILA, Philippines - Inangkin ni dating world No. 1 Francisco “Django” Bustamante ang kauna-unahang Super Series of Billiards ng World Professional Billiard League sa Mc Phillips Station Casino sa Winnipeg, Canada.
Ito ay matapos talunin ni Bustamante si American Johnny “The Scorpion” Archer, 5-2, sa kanilang race-to-5 finals match.
Ang iba pang lumahok sa nasabing torneo na may round-robin format ay sina Nick Varner, Shane Van Boening, Corey Deuel, Charlie Williams, John Schmidt at Erik Hjorleifson ng Canada.
Matapos ang round robin, ang top four players sa mga cue masters na inimbitahan ng World Professional Billiard League (WPBL) ay nag-unahan patungo sa super series kung saan ang bawat kalahok ay binigyan ng puntos.
Si Bustamante ay nakatumbok ng kabuuang 60 puntos.
“Magandang balita ito sa Philippine Billiards. Ang pagkapanalo ni Lee Vann (Corteza) sa Los Angeles at pagkapanalo naman ni Django (Bustamante) sa Canada. Hope maganda ang magiging resulta ng ating top Filipino pool players sa Las Vegas events this weekend,” wika ni RP billiards ‘Godfather’ Aristeo “Putch” Puyat.
Ito ang ikatlong korona ni Bustamante, naging miyembro ng Team Asia na tumalo sa Team Europe noong Enero 17 sa Brunei, ngayong taon.
Bukod kay Bustamante, ang iba pang miyembro ng Team Asia ay sina hall of famer Efren “Bata” Reyes, Hui Chan Lu at Ko Pin-yi ng Taiwan at Teo Che Soon ng Brunei. Ang bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng premyong $5,400.
Samantala, magpapatuloy ang Star Tiger Cup 2010-balls tournament sa pagdaraos ng buwanang event sa Mayo 31 hanggang Hunyo 6 sa sikat na Star Billiards Center. No. 46 Joy Street, Grace Village, Quezon City.
Ang nasaqbing tournament ay bukas para sa lahat ng mahihilig sa larong bilyar mula sa Class A, A-, B+, B, B-, C+, C-, D+, D at D na may handicapping sa event na iho-host ng long-time billiards patron na si Sebastian ‘Baste’ Chua, pangulo ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP).
- Latest
- Trending