MANILA, Philippines - Palalakasin ng Aquatics Sports Association of the Philippines (ASAP) ang kanilang ingay sa Philippine Olympic Committee (POC) sa pagsasanib puwersa sa ibang nagrereklamong National Sports Associations (NSAs) na may problema sa kanilang liderato.
Ito ang inihayag ni Jane Ong, vice president ng ASAP ng dumalo sa PSA Forum kahapon sa Shakey’s UN Avenue, Manila.
Ang ASAP ay nakikipagtagisan sa Philippine Aquatics Sports Association (PASA) sa pamumuno ni Mark Joseph na kanilang inakusahan na hindi sumunod sa napagkasunduan nang umupo ito bilang kahalili ni Chito Ilagan noong 2005.
Si Joseph ay nagpatawag ng eleksyon pero hindi imbitado ang dating mga kasapi na ngayon ay kasama ng ASAP na lalong nagpadagdag init sa iringan ng magkabilang kampo.
“Maraming NSAs ang may problema at dumudulog sa POC at handa kaming magsama-sama upang gumawa ng isang liham para mapansin ang aming reklamo,” wika ni Ong.
Bagamat inihayag din nito na handa silang makipag-isa sa liderato ni Joseph, pero dapat munang ayusin ng POC deputy sec-gen ang listahan ng botante at kasapi nito at magsagawa ng tunay na halalan.
Ang basehan ni Joseph sa isinagawang eleksyon sa Cebu City ay ang bagong Konstitusyon pero di madetermina ang bilang ng mga dumalong kasapi.
“Why not,” wika ni Ong sa katanungan kung handa nilang tapusin ang problema. “Pero kailangan muna niyang ayusin ang membership ng PASA. Ako nga ay miyembro na tinanggap ni Mark. Ilang sulat na ang ginawa ko pero hindi niya ako tinutugon.”