SAN ANTONIO--Binalewala ni Steve Nash ang pamamaga ng kanyang kanang mata at tumapos ito ng 20 puntos upang pamunuan ang paglista ng Phoenix ng 4-0 sweep laban sa San Antonio sa kanilang Western Conference semifinals sa pamamagitan ng 107-101 pananaig nitong Linggo ng gabi.
Kinailangan ng anim na tahi ang kanang mata ni Nash matapos niyang matamo ang isang siko mula sa Tim Duncan.
Nanguna sa opensa si Amare Stoudemire na tumapyas ng 29 puntos upang tulungan ang Suns na mailaglag sa playoffs ang Spurs sa unang pagkakataon matapos ang limang pagtatangka.
Sa Boston, nagposte si Rajon Rondo ng 29 puntos, 18 rebounds at 13 assists nang igupo ng Celtics ang Cleveland, 97-87 at itabla ang kanilang Eastern Conference semifinals series sa 2-2.
Gumawa rin si Rondo ng playoff career high sa rebounds at naitabla ang kanyang best scoring nights sa kanyang ikaapat na postseason triple-double. Lumaro siya ng 47 minuto kung saan ilan sa kanyang ka-teammates na may malalaking pangalan ang nasa foul trouble.
Tumapos sina Ray Allen at Kevin Garnett ng tig-18 puntos para sa Celtics, na nakabangon mula sa masamang home playoff loss sa kasaysayan ng kanilang prangkisa.
Nakatakda ang Game 5 sa balwarte na ng Cleveland Martes bago muling babalik ang serye sa Boston sa Huwebes.
Pumitas si LeBron James ng 22 puntos kung saan dismayado ito sanhi ng 7 ulit na pagtatapon ng bola.