MANILA, Philippines - Bangungot ang inabot ni Michael Farenas sa labang naikonsidera bilang isang tune-up fight lamang.
Hindi kinaya ni Farenas na tapatan ang agresibo at determinadong paglaban ni Marlon Aguilar ng Nicaragua upang lasapin ang unanimous decision na kabiguan kahapon sa Mexico.
Pampataas ng morale ang plano nang kunin ang laban para kay Farenas ngunit wala sa tamang wisyo ang 25-anyos na si Farenas para masorpresa ng 22-anyos na si Aguilar na kinuha ang ika-24 panalo sa 34 laban at ipatikim naman kay Farenas ang ikatlong kabiguan sa 33 laban.
Wala sa tiyempo si Farenas at makailang ulit na tinawagan ng low blow at sa sixth round nga ay nabawasan ng isang puntos dala ng illegal punch.
Walang duda na kontrolado ni Aguilar ang laban dahil naputukan niya sa kilay si Farenas at hindi nabigyan ng pagkakataon na maipatikim ang ipinagmamalaking malalakas na suntok dala ng walang humpay na pagkilos at pagpapakawala ng jabs ni Aguilar upang masira ang timing ng Filipino boxer.
Ang kabiguan ay una sa tatlong laban ni Farenas sa taong ito. Una siyang nanalo nang kinaharap ang Thai boxer na si Sathian Sokham noong Enero sa Mandaluyong City na kanyang pinatulog sa loob ng dalawang rounds.
Pero sa ikalawang laban nitong Marso sa US laban sa beteranong si Joe Morales ay nauwi sa no-contest ang laban dala sa accidental head butt.
Ang kabiguan ni Farenas na hawak ni Gerry Peñalosa ay maaaring makasira kung may plano ang kanyang handlers na bigyan siya ng mabigat na laban bago matapos ang taong ito.