Pacquiao tatapusin ni Margarito

MANILA, Philippines - Muling nag-iingay si Antonio Margarito upang makuha ang atensyon ni Manny Pacquiao.

Iniyabang ng 32-anyos na si Margarito na siya ang tatalo sa Pambansang kamao at kasalukuyang pound for pound world champion upang alisin na rin ang taguri rito bilang Mexican Assassin.

“Pacquiao is known as the “Mexican Assassin”, but he hasn’t fought this Mexican,” wika ni Margarito.

May karapatang mag-ingay uli si Margarito matapos itong manalo sa kanyang laban kahapon na hudyat ng kanyang pag­babalik sa mundo ng propesyonal na boxing.

Natigil sa pagbo-boxing si Margarito matapos matalo kay Sugar Shane Mosley sa labang ginanap Enero ng 2009.

Nasuspindi siya dahil napatunayan na gumamit siya ng ipinagbabawal na ba­gay na isinama sa ginamit niyang tape na nagresulta upang tumigas ito.

Kahapon sa La Plaze de Toros Monumental sa Mexico ay sumabak uli si Mar­garito at ipinakita niya na hindi nawala ang kanyang lakas kahit napahinga sa loob ng halos 16 buwan nang kunin ang 99-89, 100-88 at 99-90 unanimous decision panalo laban kay Robert Garcia na nagsanay naman sa ilalim ni Freddie Roach.

Tumumba si Garcia sa unang round at mula rito ay nagdomina na si Margarito para kunin ang ika-38 panalo sa 45 na laban.

Nabanggit ni Bob Arum ng Top Rank ang posibilidad na makalaban ni Pacquiao si Margarito dahil na rin sa ang dalawang boksingero ay nasa kanyang poder.

Nais ng mga mahihilig sa boxing na maglaban sina Pacquiao at Floyd May­weather Jr. ngunit ang usapin pa rin patungkol sa blood testing ang isang malaking balakid para maikasa ang nasabing mega-fight.

Naniniwala naman si Margarito na panonoorin ng tao sakaling siya ang ma­kalaban ni Pacquiao lalo na ang mga Mexicano na nagnanais na makitang matalo ang kasalukuyang WBO welterweight champion.

Sina Erik Morales, Marco Antonio Barrera, Oscar Larios at Juan Manue Marquez ang mga Mexicanong pinatumba na ni Pacquiao.

Show comments