Jaca handa na vs Kenyan boxer
MANILA, Philippines - Puspusan ang ginagawang pagsasanay ni Jimrec Jaca sa sasabakang laban sa ‘Hangad na Paghihiganti’ sa Mayo 23 sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino.
Kakaharapin ng 5’7, 26-anyos na boksingero si James Kimori ng Kenya bilang supporting bout sa paboksing na inihandog ng Ala Promotios na pag-aari ni Michael Aldeguer.
Hindi nagpapabaya si Jaca sa kanyang pagsasanay lalo nga’t isang kilalang knockout artist si Kimori at mayroong 11 na pinatulog sa 15 panalo buhat sa kabuuang 18 laban.
Mahalaga kay Jaca ang laban dahil nagpipilit siyang ipakita na naibalik na niya ang dating pamatay na porma, bagay na tila nawala nang lasapin ang second round TKO kabiguan kay Saddam Kietyongyuth ng Thailand noong Oktubre 22, 2008.
Pangalawang laban na ito ni Jaca sapul ng natalo at hangad niyang ipatikim ang kanyang mababangis na kamao kay Kimori na siya niyang ginawa nang nakaharap si Ramadhan Weriu ng Indonesia sa Cuneta Astrodome nitong Enero 23.
Ang main event sa labang ito ay kapapalooban ni Michael Domingo laban kay Luis Melendes ng Colombia.
Si Domingo ay lumalaban mula sa Ala Boxing Promotions at iniaalay niya ang larong ito sa kasamahang si Z Gorres na pinagretiro ni Melendes nang magkaroon ito ng head injuries nang nagkaharap noong Nobyembre.
Nanalo man si Gorres sa laban ay tuluyan na siyang namaalam sa pagbo-boxing dala ng tinamong mga head blows kay Melendes.
Ang fight card din ito ay panimula sa lubusang pagtulong ng Ala sa mga boksingero sa hangaring ma-expose sila sa magagandang laban.
Binuksan na nila ang promotions sa boksingero mula sa ibang stables para mahasa ang mga ito tulad ni Jaca na hawak ni Rex “Wakee” Salud.
“We feel this is now the time to go to the next level. From now on, we will not only be promoting ALA fighters but other Filipino and foreign fighters as well,” pahayag ni Aldeguer na ang paboksing ay tutulungan din ng ABS-CBN.
- Latest
- Trending