Aces humirit ng panalo sa Tigers
MANILA, Philippines - Minsan pang ipinakita ni Tim Cone ang kanyang galing at talino pagdating sa mga krusyal na sandali ng laro.
Sa natitirang 2.5 segundo, ipinain ni Cone si Cyrus Baguio bilang isang ‘decoy’ para si LA Tenorio ang tumanggap ng inbound pass ni Tony Dela Cruz, ngunit naiwanan si import Diamon Simpson para sa kanyang alley-oop two-handed slam dunk at itakas ng Alaska ang dramatikong 104-103 panalo kontra Coca-Cola sa classification phase ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
“First option talaga namin si LA kasi ako ‘yung decoy. Na-anticipate nila (Coke) ‘yung play namin tapos nalibre si Simpson,” paliwanag ni Baguio, umiskor ng 24 puntos, pito rito ay sa fourth quarter.
Kumolekta si Simpson ng 27 puntos para sa 4-3 rekord ng Aces katabla ang Ginebra Gin Kings (4-3), Derby Ace Llamados (4-3) sa itaas ng nagdedepensang San Miguel Beermen (7-1) at Talk ‘N Text Tropang Texters (6-2), kasunod ang Tigers (4-5), Rain or Shine Elasto Painters (3-4), Sta Lucia Realtors (3-4), Barako Coffee Masters (2-6) at Air21 Express (1-7).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Beermen at ang Realtors habang isinusulat ito kung saan asam ng San Miguel ang kanilang pang pitong sunod na ratsada kumpara sa ikatlo ng Sta. Lucia.
Matapos kunin ng Alaska ang 102-95 lamang sa 3:27 ng final canto mula sa dalawang freethrows ni Dela Cruz, tinipa naman ni import James Penny ang kabuuang pitong puntos ng Coke para itabla ang laro sa 102-102 sa huling 56.0 segundo.
Isang technical freethrow ni Gary David buhat sa ikalawang delay of game violation ni Dela Cruz ang nagbigay sa Tigers ng 103-102 abante sa nalalabing 5.5 segundo.
Makaraan ang dalawang mintis na freethrows ni Penny galing sa foul ni Simpson sa huling 3.3 segundo, nakuha ni Simpson ang ang rebound kasunod ang timeout ni Cone para sa opensa ng Aces.
At mula rito ay muling ipinakita ni Cone ang kanyang galing.
Alaska 104 - Simpson 27, Baguio 24, De Vance 16, Tenorio 13, Dela Cruz 10, Thoss 5, Hugnatan 5, Eman 4, Borboran 0, Fonacier 0.
Coke 103 - David 31, Penny 25, Taulava 19, Lanete 8, Cruz 5, Macapagal 5, Calimag 4, Rizada 2, Espino 2, Ross 1, Antonio 1, Allera 0, Bono 0.
Quarterscores: 22-28, 52-49, 78-74, 104-103.
- Latest
- Trending