MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng University of St. La Salle-Bacolod na magwakas ang kampanya sa talo nang hiritan ng straight sets na panalo ang malakas na Lyceum sa pagpapatuloy kahapon ng Shakey’s V-League Season 7 quarterfinals sa The Arena sa San Juan.
Isang no-bearing game na ito para sa Lady Stingers dahil pasok na sila sa Final Four sa 0-2 karta ngunit nakabuti ang kawalan ng pressure nang lumabas ang bangis ng paglalaro ng mga inaasahang manlalaro tungo sa 25-22, 25-19, 25-23, tagumpay.
“Relax silang naglaro dahil alam nilang wala na itong bearing sa amin at wala ng pressure. Kaya lumabas ang tunay nilang laro,” wika ni USLS coach Roger Banzuela na nakatikim ng panalo sa yugto sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT MyDSL sa suporta ng Shakey’s V-League.
May 16 hits si Michelle Laborte upang mangibabaw sa tagisan nila ng guest player ng Lady Pirates na si Tip Santrong ng Thailand na nagtapos taglay lamang agn 14 hits.
Sinikap ng Lyceum na makabawi sa third set nang makaagat sa 19-18, pero kumawala ng mga hits sina Laborte at Patty Orendain para itulak ang USLS sa 23-20.
Tumabla pa ang Lady Pirates sa 23-all pero hindi napigil si Laborte sa isang kill bago umiskor ng isa pang puntos si Gianes Dolar para selyuhan ang straight sets panalo ng USLS.
Sina Orendain, na naglaro sa RP Youth Girls team at Princess Pido ay nagsanib sa 23 puntos para sa nanalong koponan sa ligang suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.