LAS VEGAS — Kuntento na si Floyd Mayweather Jr. na ipanalo ang kanyang laban.
Ngunit sa kanilang upakan ni Sugar Shane Mosley, mas ginusto niyang pagpaguran ang kanyang premyo.
Naging agresibo sa kabuuan ng megafight, naligtasan ni Mayweather ang isang knockdown sa second round upang umiskor ng isang 12-round decision kay Mosley sa kanilang non-title welterweight showdown sa MGM Grand.
“I wanted to give the fans what they wanted to see, a toe-to-toe battle,” wika ni Mayweather. “It wasn’t the same style for me but I wanted to be aggressive and I knew I could do it.”
Napanatili ng 33-anyos ang kanyang imakuladang win-loss-draw ring record sa 41-0-0 kasama ang 25 KOs.
Isang matinding kanan ng 38-anyos na si Mosley (46-6-0, 39 KOs) ang dumapo sa kanang bahagi ng mukha ni Mayweather sa huling minuto sa second round na nagpanginig sa mga tuhod nito.
Niyakap ni Mayweather si Mosley para hindi siya bumagsak patungo sa pagdomina sa sumunod na 10 rounds.
Bagamat hindi niya napabagsak si Mosley, natanggap pa rin ni Mayweather ang kanyang $22.5-million guaranteed paycheck.
“I think we could have pressed the attack a lot earlier, and then we could have got the knockout,” sabi ni Mayweather.
Sa punch statistics, nagtala si Mayweather ng 208-of-477 punches kumpara sa 92-of-452 ni Mosley, ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) welterweight titlist.
Kagaya ng inaasahan, muling nabanggit si Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao.
“If Manny Pacquiao can take a blood and urine test then we have a fight,” paghahamon ni Mayweather kay Pacquiao, ang hari sa welterweight class ng World Boxing Organization (WBO). “If not, no fight.”
Payag naman si Pacquiao sa ipinipilit na blood testing ni Mayweather kung ito ay hindi gagawin na isang araw bago ang kanilang laban.
“For me, as long as the drug test is not done close to the match, I’ll agree because if they’ll get blood from me close to the match, it will be a disadvantage for me because I’m smaller and he’s big,” ani Pacquiao.