RP triathletes 'di kinaya ang hamon ng dayuhan
SUBIC , Philippines --Hindi kinaya ng mga pambatong triathletes ng bansa ang husay ng mga dayuhan nang mabigong makapaghatid ng medalya sa unang araw ng 2010 ITU Subic Bay International Triathlon-Asia Cup race kahapon sa dating US Naval base dito.
Tanging si LC Langit ang may pinakamagandang tinapos sa hanay ng mga pambato ng Pilipinas nang pumang-apat ito sa elite female division sa naitalang 2:19:11 tiyempo sa karerang inilagay sa Olympic distance.
Ang China ang nakapagdomina sa kategoryang ito nang kunin ang unang tatlong puwesto sa katauhan nina Wang Yi (2:11:44), Fan Dan (2:12:29) at Zhang Yi (2:17:46).
Ang mga pambato naman sa male at female Junior Elite na pinaglabanan sa sprint distance na sina Kim Mangrobang, Nikko Huelgas at Philip Jurolan ay hindi rin pinalad nang si Mangrobang ay tumapos lamang sa pang-18 (1:13:01) habang sina Huelgas (1:06:38) at Jurolan (1:08:57) ay nalagay sa ika-20 at 24 puwesto.
Ang mga Hapon na sina Kohei Tsubaki at Yuka Sato na parehong nakikita ang sarili na lalaro sa London Olympics sa 2012, ang kumuha sa gintong medalya sa bilis na 59:46 at 1:06:13 ayon sa pagkakasunod.
Ang Japan din ay nakapagdomina sa Junior Elite male at female team events upang ipakita ang kahandaan na makapagdomina uli sa torneong inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) habang co-presentor ang Subic Bay Metropolitan Authority at Philippine Sports Commission (PSC).
Si PSC chairman Harry Angping ang naging panauhing pandangal sa awarding ceremonies.
- Latest
- Trending