Montiel wagi sa Japanese fighter, Donaire hinamon

MANILA, Philippines - Puwede nang iwanan pan­sa­mantala ni Nonito Donaire Jr. ang pananabik na makalaban si Vic Darchinyan.

Ang dahilan, nagpahayag si Fernando Montiel ng kanyang kahandaan na sukatin ang hu­say ng dating Filipino world cham­pion matapos ang panandaliang pamamahinga.

Nagtagumpay ang 31-anyos tubong Mexico na maagaw ang WBC title na hawak ni Hozumi Hesagawa nang kanyang hiritan ng fourth round TKO na idinaos nitong April 30 sa Nihon Budokan, Tokyo, Japan.

Lamang sa scorecards si Hesagawa nang malasing tamaan ng malakas na kaliwang hook ni Montiel sa kanyang panga.

Lumambot ang mga tuhod nito at muntik na natumba at pu­migil lamang sa paglaglag nito ay nang makakapit sa lubid na nakapalibot sa ring.

Pero hindi na nagpabaya pa si Montiel laban sa nasaktang kalaban kaya’t ilang sunod na hook ang muling ipinatikim hanggang sa pumagitna na si referee Laurence Cole at itinigil ang laban may 2:59 sa fourth round.

Nais ni Hesagawa ng mag­daos sila ng rematch ni Montiel pero kung mangyayari ito ay hin­di pa mabatid dahil pinangala­nan ng Mexican champion na hari rin ng WBO bantamweight bukod pa sa dating kampeon sa super flyweight, na harapin si Donaire o di kaya ay si Vic Dar­chinyan.

“First I will take a rest, but I love to fight Nonito Donaire, Vic Darchinyan and then make my way up to 122 pounds and look for a fourth world title in a fourth weight class,” wika ni Montiel.

Nabanggit na minsan ni Do­naire ang pagnanais na makalaban si Montiel pero hindi nangyari ito dahil bigla itong umakyat buhat sa super flyweight na kinalulugaran pa ngayon ng The Filipino Flush.

Ang tagumpay ay kumumpleto rin sa pangarap ni Montiel dahil noon pang bata siya ay nangarap siyang manalo ng world title sa Japan.

Show comments