MANILA, Philippines - Kinapos si Mark Anthony Barriga sa puntiryang puwesto sa 1st Youth Olympic Games nang maungusan siya ni Ryan Burnett ng Ireland sa quarterfinals ng 16th World Youth Amateur Boxing Championships na ginaganap sa Baku, Azerbaijan nitong Biyernes.
Natawagan ng kuwestiyonableng head butt ni referee Zoubid Hassan ng Morocco dahilan upang mabigyan ng apat na puntos si Brunett upang makaahon buhat sa 2-3 paghahabol at matapos ang sagupaan panalo sa 6-4 iskor.
Bago ito ay nanalo ng tatlong sunod si Barriga ng Panabo, Davao del Norte laban kina Zhang Liang ng China, Tanes Ongjunta ng Thailand at Nikita Fedorchenko ng Russia upang mamuro sa puwesto sa Youth Olympic Games sa Agosto sa Singapore.
Mabibigyan ng puwesto ang mga boksingerong uusad sa semifinals pero sadyang di pa ukol para sa 17-anyos na isa ring Palarong Pambansa standout na makausad.
Aasa na lamang si Barriga at ang Amateur Boxing Association of the Philippines sa ibibigay na wild card berths ng International Olympic Committee.