Barriga may pag-asa sa Youth Olympics
MANILA, Philippines - Tanging si light flyweight Mark Anthony Barriga ng Panabo, Davao del Norte ang magdadala sa bandera ng Pilipinas sa 16th World Youth Amateur Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan.
Sa likod ng kanyang dalawang panalo, may pagkakataon si Barriga na makasuntok ng tiket para sa Youth Olympics na nakatakda sa Agosto 14-26 sa Singapore.
Anim na panalo ang titiyak ng gold medal para kay Barriga, habang lima ay para sa silver at apat ay para sa bronze.
Tinalo ng 17-anyos na si Barriga si Zhang Liang, 7-3, ng China noong Lunes at binigo si Tanes Ongjunta, 15-5, ng Thailand noong Miyerkules para makalaban si Nikita Fedorchenko ng Russia.
Sakaling manalo si Barriga kay Fedorchenko, makakaharap nito sinuman kina Ryan Burnett ng Ireland at Rober Barrera Estrada ng Colombia sa quarterfinals.
Tuluyan namang nasibak sina flyweight Jenno Cabugngan ng Tagbilaran City, Bohol at lightweight Michael Delorino ng Catarman, Northern Samar sa kani-kanilang mga laban.
- Latest
- Trending