Nature Valley Run itinakda sa Mayo 30 sa Global City
MANILA, Philippines - Higit sa pagtakbo, hangarin ng The Nature Valley Run na makatulong sa paglutas sa lumalalang problema ng mundo patungkol sa climate change.
Isang puno sa bawat tatakbong runner ang gagawin ng organizers ng nasabing patakbo na mangyayari sa Mayo 30 sa The Fort, Global City sa Taguig.
Pero hindi lamang ang pagtatanim ng puno ang balak na gawin ng nagtataguyod na Nature Valley dahil tututukan din nila ang pagsibol ng puno sa loob ng limang taon.
Ang one-day footrace ay pormal na inilunsad kahapon sa Dusit Hotel sa Makati City at nanguna sa sponsors sina Tess Panganiban, managing director ng General Mills Food Inc. at brand manager Diana Lyn Velasco bukod pa sa race organizer at running coach na si Rio dela Cruz at ang dating movie star at endorser ng Nature Valley na si Donna Cruz-Larrazabal.
Ang karera ring ito ay ikalawang yugto sa idinadaos na Runrio Trilogy na pinamamahalaan ni Dela Cruz.
Inihayag pa ni Dela Cruz na lilimitahan lamang sa 7000 mananakbo ang karerang ito upang mapanatili ang kaayusan ng karera.
Ang mga distansyang paglalabanan ay inilagay sa 3K, 5K, 10K at 21K at may kabuuang P124,000 ang premyong ipagkakaloob sa top three finishers sa kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dibisyon.
- Latest
- Trending