Pagiging bayani ng mga boxing greats, sasariwain sa Hall of Fame
MANILA, Philippines - Mula sa kadukhaan hanggang sa pagiging bayani sa palakasan.
Muling sasariwain ang mga naging kontribusyon nina Gabriel “Flash” Elorde, Ceferino Garcia, Francisco “Pancho Villa” Guilledo, ang mag-amang Jose “Cely” at Anthony Villanueva bilang mga unang iluluklok sa Philippine Sports Hall of Fame.
Ang unang grupo ay kukumpletuhin nina Olympians Teofilo Yldefonso, Simeon Toribio, Miguel White at Caloy Loyzaga at ang 1954 national basketball team sa seremonyang nakatakda sa Mayo 5 sa Maynilad Hall ng Manila Hotel.
Ang lahat ng atensyon ay inaasahang sesentro sa mga boxing greats na nagbigay ng karangalan sa bansa.
Kagaya ni Elorde na isang elementary school dropout na nagsimula bilang isang bowling ball bearer at karpintero bago naging undisputed world junior lightweight champion sa loob ng pitong taon simula noong 1960.
Noong Hunyo 15, 1967 sa kanyang pang 11th title defense, natanggal sa tubong Bogo, Cebu ang kanyang korona.
Bago si Elorde, sumikat muna si Guilledo ng Negros Occidental na naging flyweight titlist noong 1923 para maging kauna-unahang Filipino world champion.
Ang 5-foot-1 na si Guilledo, tinaguriang “Pancho Villa”, ay hindi napabagsak sa kabuuan ng kanyang boxing career bago ang kanyang biglaang pagkamatay 17 araw bago ang kanyang ika-24 kaarawan bunga ng komplikasyon sa ipinabunot niyang ngipin.
Sa pagitan nina Guilledo at Elorde, dumating naman si Garcia, ang nagpasimula sa sikat ngayong ‘bolo punch’, nang maging world middleweight champion noong 1939 hanggang 1940.
- Latest
- Trending