Smart Gilas inilusot ni Barroca vs San Diego

MANILA, Philippines - Nagsalpak si Mark Bar­roca ng isang three-point shot sa huling 4.3 segundo para itakas ang Smart Gilas Pilipinas sa San Diego, 94-93, sa pag­sisimula ng kanilang American Basketball Association (ABA) Friendship Games sa Los Angeles.

Kumabig naman si Fil-Am slotman Greg Slaughter ng 13 points at 14 rebounds para sa Nationals.

Matapos malustay ang itinayong 12-point lead at naiwanan sa 91-93, isang tres ang ikinonekta ni Barroca upang ipanalo ang Smart Gilas kontra San Diego.

“We won over San Die­go by a point, it’s a great start for us,” wika ni Smart Gilas team manager Frankie Lim.

“It’s a nice birthday gift for me,” sabi naman ni Bar­roca, nagdiwang ng kan­yang ika-23 kaarawan kamakailan.

Ang Nationals ay kasama sa mga koponan sa 2011 ABA season, ang ikalawang pinakamala­king liga sa North American matapos ang NBA, bilang bahagi ng kani­lang paghahanda para sa 2010 Guangzhou Asian Games at ng 2011 FIBA-Asia Championship.

Kung maghahari ang Smart Gilas sa 2011 FIBA-Asia Championship ay sila na ang kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympics.

Show comments