Smart Gilas inilusot ni Barroca vs San Diego
MANILA, Philippines - Nagsalpak si Mark Barroca ng isang three-point shot sa huling 4.3 segundo para itakas ang Smart Gilas Pilipinas sa San Diego, 94-93, sa pagsisimula ng kanilang American Basketball Association (ABA) Friendship Games sa Los Angeles.
Kumabig naman si Fil-Am slotman Greg Slaughter ng 13 points at 14 rebounds para sa Nationals.
Matapos malustay ang itinayong 12-point lead at naiwanan sa 91-93, isang tres ang ikinonekta ni Barroca upang ipanalo ang Smart Gilas kontra San Diego.
“We won over San Diego by a point, it’s a great start for us,” wika ni Smart Gilas team manager Frankie Lim.
“It’s a nice birthday gift for me,” sabi naman ni Barroca, nagdiwang ng kanyang ika-23 kaarawan kamakailan.
Ang Nationals ay kasama sa mga koponan sa 2011 ABA season, ang ikalawang pinakamalaking liga sa North American matapos ang NBA, bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 2010 Guangzhou Asian Games at ng 2011 FIBA-Asia Championship.
Kung maghahari ang Smart Gilas sa 2011 FIBA-Asia Championship ay sila na ang kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympics.
- Latest
- Trending