3rd win nasungkit ng Foscon

MANILA, Philippines - Bahagya lamang pinagpawisan ang Foscon Ship Management bago pataubin ang CUSA champion Manuel Luis Quezon University, 91-83, at makasalo sa liderato ang Forward Taguig sa 2010 MBL Open basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.

Pinangunahan ni Jay-Ar Estrada ang tatlo pang players na may double fi­gu­res para sa Foscon, na humugot sa kanilang ikatlong dikit na panalo sa naturang eight-team, two-month long tournament na itinataguyod ng Millennium Basketball League (MBL) sa tulong ng Smart Com­munications, Dickies Underwear at PRC Managerial Services.

Si Estrada, na isang 6-4 dating manlalaro ng University of the East, ay gu­mawa ng 16 puntos at 10 rebounds para sa Foscon, na nanguna 47-38 sa ­halftime.

Nag-ambag naman sina Floyd Dedicatoria ng 13 pun­tos, Eric Suguitan ng 12 puntos at Luis Palaganas at Jake Castro ng tig-10 pun­tos para sa Intramuros-based-Ship Management squad ni coach Ricky Alcantara.

Si Jopher Custodio at Derreck Dizon ay umiskor ng tig-16 puntos para sa Stallions, na bumagsak sa 1-1 panalo-talo karta­da.

Show comments