Peñalosa Jr., pumirma na sa TKO boxing promotions
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng tibay ang hangarin ni Dodie Boy Peñalosa Jr. na gumawa ng sariling pangalan sa mundo ng propesyonal na boxing.
Ang 20-anyos na si Peñalosa na anak ng dating two-time world champion na si Dodie Boy at pamangkin ng isa pang two-time world division champion na si Gerry, ay lumagda na ng kontrata sa TKO Boxing Promotions.
Ginanap ang pagpapapirma sa San Carlos, California at masayang-masaya ang TKO Boxing Promotions sa pangunguna ng pangulo nitong si Chet Koerner na napapayag nila ang batang Peñalosa na mapabilang sa kanilang kampo.
“We’re very proud to welcome Dodie Boy to the TKO Boxing team,” wika ni Koerner nang pormal na ipakilala ang bago nilang talent nitong Abril 22 sa isang pulong pambalitaan.
Nakasama naman ni Peñalosa Jr. ang kanyang ama na si Dodie Boy Sr. bukod pa sa dating world champion Nonito Donaire Jr. at manager na si Cameron Dunkin.
“It’s my first time to come to the US and I appreciate TKO for giving me this opportunity,” wika naman ng batang Peñalosa, na isang Palarong Pambansa champion at hindi natalo sa 27 laban sa amateur bukod pa sa pagkakaroon ng 10 knockouts.
Ikinonsidera siya para sa national boxing team ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ngunit hindi nagbunga ang usapin ng magkabilang kampo dahilan upang umakyat na ito at nag-pro.
Sumabak na rin siya sa isang laban nitong Enero 23 sa Cuneta Astrodome at humirit siya ng 2nd round knockout laban kay Anthony Balubar sa featherweight division.
Si Peñalosa ang lumabas na ikalawang batang boksingero na kinuha ng TKO Boxing Promotion kasunod ng 19 anyos na si Fidel Maldonado Jr. ng Mexico na hinugot noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending