Ateneo papalo sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Ateneo nang dagitin ng Lady Eagles ang ikatlong puwesto sa quarterfinals sa Group A sa pamamagitan ng 25-17, 25-18, 26-24, panalo laban sa University of San Jose-Recoletos sa Shakey’s V-League Sea­son 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.

­Walang masamang epe­kto ang dalawang linggong pamamahinga ng Ateneo dahil kumawala sa 17 hits si Thai import Keawbundit Sontaya habang si Fille Cainglet ay nagdagdag ng 11 puntos para ibigay sa koponan ang ikalawang sunod na pa­nalo.

Huling naglaro ang La­dy Eagles ay noon pang April 11 nang talunin nila sa straight sets ang St. Benilde.

Sa panalong ito ng Ateneo, napantayan nila sa liderato ang Lyceum habang ang Adamson na dati ay nasa ikalawang puwesto sa kanilang grupo ay nalaglag sa ikatlong pu­westo sa 2-1 baraha.

Ang kabiguan naman ng Lady Jaguars ay ikatlong sunod sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT MyDSL sa tulong ng Shakey’s Piz­za.

Dahil dito ay nalagay sa alanganin ang hanga­ring maging ikaapat at hu­ling koponan sa grupo na makaabante sa quarterfinals ng ligang tinulu­ngan din ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.

Ang Visayan team ngayon ang nangungulelat sa grupo at ang Lady Blazers na may isang pa­nalo sa apat na laro ang siyang may tangan sa mahalagang ikaapat na puwesto.

Show comments