MANILA, Philippines - Tila ito na ang katapusan ng istorya ni Awvee Storey bilang import ng Gin Kings.
Nakatakdang dumating ngayong araw ang inaasahang papalit kay Storey na si Mildon Ambres para palakasin ang kampanya ng Barangay Ginebra sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Kasalukuyang may 3-2 rekord ang Gin Kings sa likod ng mga averages na 24.0 points, 17.6 rebounds at 2.0 assists ni Storey.
Si Ambres ay nagmula naman sa D-League kung saan siya nagbida para sa Idaho Stampede mula sa kanyang mga averages na 14.5 points, 8.1 rebounds at 1.7 assists sa 50 laro.
Dumating naman noong Linggo si Clif Brown na sasalo sa maiiwang trabaho ni Lorenzo Wade para sa Derby Ace.
Si Brown ay naging kakampi ni Rain or Shine import Jai Lewis sa Toyota Alvark sa Japan Basketball League (JBL).
Samantala, nakatanggap naman ng pagbati ang PBA mula kay NBA Commissioner David Stern ukol sa 2010 PBA All-Star Weekend.
“On behalf of the NBA, I want to congratulate you on the 35th anniversary of the Philippine Basketball Association and send you my best wishes for a successful All-Star Weekend in Puerto Princesa City,” ani Stern sa kanyang liham.
Samantala, tinalo naman ng mga active players na sina Mark Macapagal, Jeff Chan at Yousif Aljamal ang grupo ng retired cagers na sina Alvin Patrimonio, Kenneth Duremdes at Roehl Gomez sa Three-Point Legends Shootout kahapon sa Puerto Princesa Coliseum sa Palawan.
Nagtala sina Macapagal, Chan at Aljamal ng pinagsamang 51 puntos upang biguin sina Patrimonio, Duremdes at Gomez na may 29 marka.
Umiskor sa three-point line si Macapagal, ang 2010 Three-Point Shootout king, ng 17 puntos kasunod ang 15 ni Aljamal at sa ilalim ng 19 ni Chan.