MANILA, Philippines – Siyam na atletang Pinoy at isang koponan na pawang nagbigay ng karangalan sa bansa ang siyang unang grupo na mailuluklok sa Philippine Sports Hall of Fame sa Mayo 5 sa Maynilad hall sa Manila Hotel.
Lima sa mga atletang Pilipino ay mga boksingero at ang mga ito ay sina Gabriel “Flash” Elorde, Francisco “Pancho Villa” Guilledo, Ceferino Garcia at ang mag-amang Jose “Cely” at Anthony Villanueva.
Naririyan din sina Mighel White at Simeon Toribio sa athletics, swimmer Teofilo Yldefonso at si Carlos Loyzaga ng basketball. Isinama na rin ang 1954 basketball team na pinamuan ni Loyzaga na tumapos ng 3rd place sa World Basketball Championships.
Si Philippine Olympians Association president Arturo Macapagal katuwang si PSC chairman Harry Angping ang tumayong chairman at vice chairman ng Hall of Fame organizing committee na ang hangarin ay bigyan ng pagkilala ang mga dating atleta na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas sa mundo ng palakasan.
Kasama rin sa organizing committee sina dating Pangasinan Rep. Ranjit Shahani, Tagaytay Mayor Abraham Tolentino, Red Dumuk at PSA president Teddyvic Melendres.
Si Elorde ay naghari sa WBC super featherweight sa loob ng pitong taon hanggang 1967 habang si Guilledo ay kampeon sa flyweight noong 1923 hangang 1925 at si Garcia sa middleweight noong 1939-1940.
Sina Villanueva ay unang mag-amang nanalo ng medalya sa Olympics habang si Yldefonso ang unang atleta ng bansa na nanalo ng medalya sa Olympics noong 1928 Amsterdam Games nang makuha ang bronze medal sa 200m breaststroke.
Si White ay nanalo ng bronze sa 1936 Berlin Games sa men’s 400m hurdles habang si Toribio ay nanalo ng bronze sa long jump sa 1928 edition.
Nakatulong sa pagnombra at pagpili sa mga manlalarong nabanggit sina Artemio Engracia, Recah Trinidad, Ernesto Gonzales at Manolo Inigo ng Philippine Daily Inquirer, Lito Tacujan ng Philippine Star, Ding Marcelo at ang namayapa ng si Willie Caballes ng Manila Bulletin, Gus Villanueva at Joe Antonio ng Journal Group, Malaya’s Jimmy Cantor at Noli Cortez, Eddie Alinea ng Manila Times at Percy Della, Pec Manaois at Ninoy Zofranes ng Taliba.