MANILA, Philippines – MIAMI--Walang ginawang ‘special play’ ang Boston sa kanilang huddle.
Hiningi ni Paul Pierce ang bola.
Hindi naman umangal si Celtics’ coach Doc Rivers.
At sa panonood ni Dwyane Wade mula sa bench ng Miami Heat dahil sa kanyang cramps sa kaliwang binti, inilapit ni Pierce ang Boston sa isang first-round sweep .
Isinalpak ni Pierce ang isang 21-footer sa pagtunog ng final buzzer upang tulungan ang Celtics sa 100-98 pagtakas sa Heat sa Game 3 ng NBA Eastern Conference first-round series.
Kinuha ng Boston ang 3-0 abante sa kanilang serye ng Miami at maaaring umabante sa second round sa isa pang panalo sa Linggo.
“It’s still a series,” ani Pierce.
Wala pang koponan na nakakabalik mula sa isang 0-3 deficit sa isang serye.
At hindi lamang ito ang problema ng Heat.
Sumakit ang likod ng kaliwang binti ni Wade matapos imintis ang isang 3-pointer sa huling 14 segundo.
Sa replay, bumagsak si Wade, ilang ulit na nagpalit ng uniporme dahil sa sobrang pagpapawis, sa paa ni Celtics’ guard Ray Allen at binuhat nina reserve center Jamaal Magloire at trainer Jay Sabol.
Tinapos naman ni Pierce ang laro sa kanyang 32 puntos.
Sinabi naman ni Wade na simpleng cramps lamang ang nangyari sa kanya.
Sa San Antonio, sa kabila ng paglalaro na may bandage sa palibot ng kanyang ilong matapos na masiko ito, nagawa pa ring tulungan ni Manu Ginobili ang San Antonio na talunin ang Dallas, 94-90 upang ibigay sa Spurs ang 2-1 bentahe sa kanilang playoff series,
Umiskor si Ginobili ng 11 mula sa kanyang 15 puntos sa fourth period. At matapos ang laro, na-diagnose na basag ang kanyang ilong at ayon sa Spurs siya ay sasailalim sa CT scan sa Sabado.
Sa Salt Lake City, nagtala si Paul Millsap ng career-highs 22 puntos at 19 rebounds, iniahon ang Utah mula sa masamang panimula upang talunin ang Denver sa iskor na 105-93. Ang panalo ay nagbigay sa Jazz ng 2-1 bentahe sa kanilang playoff series at nakatakda ang Game 4 sa Linggo sa kanilang bakuran pa rin.