Sa lahat ng imports na naglalaro sa kasalukuyang PBA Fiesta Conference, tila itong si Shawn Daniels ang walang ka-pressure-pressure.
Iyan ang pananaw ng karamihan matapos na tambakan ng Talk N Text ang Coca-Cola Tigers, 115-91 noong Miyerkules bago nag-break ang torneo upang bigyang daan ang All-Star Weekend. Sa larong iyon ay hindi na kinailangan ni Daniels na umiskor ng double figures dahil kinaya na ng mga locals ang lahat.
Kung tutuusin, tampok sana sa larong iyon ang duwelo ng dalawang datihang imports. Katapat kasi ni Daniels ang beterano ding si James Penny na isang mahusay na all-around performer. Eh, si Penny nga ang kumayod nang parang kalabaw dahil sa halos wala siyang nakatuwang sa first half ng game kung saan nilayuan ng Tropang Texters ang Tigers. Naubusan ng bala si Penny sa second half at tumukod na ito nang tuluyan.
Sa kabilang banda, aba’y fresh na fresh pa si Daniels dahil ang haba ng minutong iniupo nito sa bench.
Kumbaga’y hindi kailangan ni Daniels na magpakadominante sa laro. Ang hinihingi lang sa kanya ng kanyang koponan ay umiskor kung kailan kailangang umiskor, kumuha ng rebounds at protektahan ang shaded area.
Pero sa kabuuan ng laro, aba’y napakaraming locals ng Talk N Text na puwedeng pumuntos. Katunayan, kumpara sa ibang teams, angTalk N Text ang may pinakamaraming locals na naga-average ng double figures sa scoring.
Bale lima sila na pinangungunahan ni Ranidel de Ocampo.
Kung titingnang maigi, napakalaking improvement ni de Ocampo ngayon at siya na ang leading scorer ng Tropang Texters. may average siyang 20 puntos sa pitong games. Bukod dito ay mayroon din siyang 6.71 rebounds, 2.14 assists, 0.43 steal, 0.29 blocked shot at 1.57 errors sa 31.86 minuto.
Ang dating leading scorer na si Mark Cardona ay mayroong average na 17.71 puntos, 4.29 rebounds,4.13 assists,1.29 steals, 0.57 blocked shot at apat na errors sa 35.86 minuto.
Ang ibang Tropang Texters na may double figures sa scoring ay sina Jimmy Alapag (14.0), Harvey Carey (10.29)at Jason Castro (10.29). Hindi pa nga pumuputok si Jared Dillinger na medyo nalimitahan ang playing time ngayon.
Sabihin na nating mabagal si Daniels at hindi ito makakasabay sa maliliksing imports ng ibang teams. Pero may sapat naman na local personnel ang Talk N Text para bumantay sa mga imports na iyon.
Ito ang primary reason kung bakit kinuha ni coach Vincent “Chot” Reyes si Mark Yee buhat sa Air21 Express. Mahusay na role player at ragged defender si Yee. Kitang-kita naman kung paano niya pinosasan si Barako Coffee import Sammy Monroe na napikon sa kanya’t natawagan ng flagrant foul penalty two at nasuspindi ng isang game.
So, well defined ang papel na ginagampanan ng bawat manlalaro ngTalk N Text. Wala nang paistaran sa kanila at teamwork lang ang ipinakikita.
Desidido talaga silang makabawi matapos na mawala sa kanilang mga kamay ang kampeonato ng nakaraang Philippine Cup.