Junior netters babanderahan ni Capadocia sa Fed Cup
MANILA, Philippines - Masusukat ang mga batang tennis player ng bansa sa paglahok nila sa Junior Fed Cup Under 16 Asia/Oceania qualifying sa Abril 26 hanggang May 2 sa Kuching, Sarawak Malaysia.
Mangunguna sa tatlong manlalaro ng bansa si Marian Jane Capadocia na pumasok sa quarterfinals sa idinaos na Mitsubushi Lancer International Tennis Championship sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ang iba pang kasapi ay sina Tamita Nguyen at Shanin Mae Olivarez at hangad nilang bigyan ng kinang ang kampanya ng Pilipinas sa torneong bukas para sa mga edad 16-anyos pababa.
“Ang dating pangalan ng torneong ito ay World Junior Cup until 1995 at hindi pa tayo nakakapasok sa world group since nagpalit ng pangalan. Time pa ni Maricris Fernandez nang makapasok ang Pilipinas sa world group,” wika ni national juniors coach Karl Santamaria nang dumalo ito sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura.
Aabot sa 16 na koponan na hahatiin sa apat na grupo ang maglalaban-laban at ang bansang papasok sa semifinals ang kinatawan sa Asia-Oceania sa World group na lalaruin sa San Luis Potsi, Mexico mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 3.
Si Capadocia ang nakasama ng kanyang coach at positibo ang kanyang pananaw sa paglahok sa torneo.
Ang koponan ay aalis ngayon habang ang draw ay gagawin bukas.
- Latest
- Trending