SUBIC , Philippines –Muling umiskor si GM Wesley So ng ikalawang sunod na panalo hawak ang mga itim na piyesa laban sa bata ring GM na si Salem Saleh ng United Arab Emirates sa second round ng 2010 Individual Championship sa Subic Exhibition and Convention Center dito nitong Huwebes.
Gamit ang Gruenfeld defense sa unang pagkakataon, pinagana ng 16-anyos Filipino champion sa halos buong laro ang bago pa lamang natututunang kaalaman laban sa kanyang mahigpit na karibal at napuwersa ang highly-rated UAE player na mag-resign sa 37 sulungan.
Ibinigay ni So ang kanyang tatlong mahalagang piyesa--rook, knight at bishop--kapalit ng queen ni Saleh at nakuha ng Pinoy ang bentahe sa endgame kung saan ang kanyang kalaban ay humugot na lamang ng malalim na paghinga bago sumemplang ang kanyang king sa gitna.
“This is my first time to play the Gruenfeld, a fightingline of deefnse which helps to avoid an early draw,” ani So makaraan ang matensyong apat na oras na laban na sinaksihan ng malaking bilang ng mga manonood.
“It’s really a long struggle and one has to play precisely to keep the momentum. Medyo nagkamali siya nung opening,” dagdag pa ni So, na ginapi rin si Saleh sa 2008 Dubai Open sa UAE.
Ang panalo ay ikalawang sunod ni So na sapat na para malagay ang high school graduate mula sa St. Francis College na kunin ang pansamantalang maagang pangunguna sa nine-round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) hatid ng Subic Bay Metropolitan Authority, Department of Tourism, PAGCOR, PCSO at ng Philippine Sports Commission.
Katabla ngayon ni So liderato si GM Krishnan Sasikiran ng India, na tinalo naman si IM Homayoon Toufighi ng Iran sa kanilang labanan sa top board.
Ang iba pang maagang nasa unahan ay sina GM Liren Ding ng China na pinabagsak si IM Kiril Kuderinov ng Kazakshtan at GM Rogeilio Antonio Jr., na nakuntento sa draw laban kay IM Rui Gao ng China matapos ang 26 moves ng Caro-Kann upang manatiling nasa kontensyon sa top prize ng US$6,000 mula sa kabuuang total prize na US$50,000.