MANILA, Philippines - Umalis na kahapon ang limang batang boksingerong lalahok para sa 16th World Youth Amateur Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan kung saan ang top four finishers sa 11 weight categories ang papasok sa kauna-unahang Youth Olympics sa Singapore sa Agosto 14-26.
Ang koponan ay binubuo nina lightflyweight Mark Barriga ng Panabo, Davao del Norte, flyweight Jenno Cabugngan ng Tagbilaran City, Bohol, bantamweight Ricky Dulay ng Calbayog City, Samar, featherweight Nathaniel Montealto ng Puerto Princesa at lightweight Robin Palileo na nanirahan sa Australia ngunit nagdadala ng Philippine passport.
Makakasama ng nasabing mga teenage fighters sa Baku sina national coaches Elmer Pamisa at Sonny Dollente pati na si Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson.
Ang weigh-in at draw ay nakatakda sa Linggo, habang ang preliminaries ay magsisimula sa Lunes at ang quarterfinals ay hahataw sa Abril 30.
Ang semifinals ay susuntok sa Mayo 2 at ang finals ay sa Mayo 3. Ang torneo ay ipinagpaliban ng AIBA (International Boxing Association) ng ilang araw dahilan sa pagputok ng bulkan sa Iceland.
Kumpiyansa ang 33-anyos na si Pamisa na tatlo sa limang national bet ay makakaabante sa medal round.
Kabuuang 532 fighters mula sa 105 bansa, kasama na ang Cuba, Russia, Kazakhstan, Uzbekistan, China at Azerbaijan, ang inaasahang magdodomina sa 11 weight categories mula 48 hanggang +91 kilograms.