UST nakaligtas sa Lyceum sa MBL
MANILA, Philippines - Napigil ng University of Santo Tomas ang mainit na rally ng Lyceum-Showa upang maitakas ang isang kapana-panabik na 88-85 panalo at makasalo sa win column sa 2010 MBL Open basketball championship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Sa rematch ng kanilang title showdown nung nakalipas na taon na napanalunan ng Lyceum, ang Tigers ay kaagad nagpakitang-gilas sa unang mga minuto ng laro upang hawakan ang trangko at buong husay na binigo ang tangkang paghabol ng Pirates upang tuluyang masungkit ang kanilang unang panalo sa nasabing eight-team tournament na itinataguyod ng Smart Communications, PRC Managerial Services at Dickies Underwear.
Sina Jeric Teng, Jeric Fortuna at Clark Bautista ay nagtulong sa 59 puntos para sa UST, na nag-improve sa 1-1 kartada.
Si Teng, anak ni dating PBA player Alvin Teng at Fortuna ay kapwa tumipa ng tig 20 puntos, habang si Bautista ay nag-ambag ng 19 puntos para sa UST.
Nagdagdag din si Carmelo Afuang ng 13 puntos para sa UST, na ginagamit ang naturang kumpetisyon bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa nalalapit na UAAP.
Nanguna para sa Lyceum si Victor Medina, Jr., na may 21 puntos, kasunod si Patrick Cabahug (20) at Mark Fampulme (17).
- Latest
- Trending