MANILA, Philippines - Maayos naman ang kalagayan ni Ricardo Nuñez ng Panama matapos lumasap ng hirap sa gintong kamao ni Filipino boxer Drian Francisco nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dalawang beses na bumulagta sa first round si Nuñez bago tinapos ni Francisco ang sagupaan may 2:52 sa fifth round nang muling tumumba ang dayuhang katunggali sa isang pamatay na kaliwa ni Francisco.
Matapos ang laban ay isinugod si Nuñez sa Medical City upang suriin at matapos isagawa ang CT scan ay lumabas na walang masamang epekto ang tinamong malalakas na suntok sa ulo ng bisita.
Ang panalo ni Francisco ay kanyang ika-19 bukod sa isang tabla at si Nuñez ang ika-15 boksingero na hindi nakatapos sa kanyang kamao.
Ikalawang sunod na malaking panalo rin ito para kay Francisco matapos din ang isang 10th round TKO panalo laban kay Roberto Vasquez noong nakaraang Oktubre sa Cuneta Astrodome.
Ang laban ay isang WBA super flyweight title eliminator at si Francisco ngayon ang lalabas na mandatory challenger sa titulong kasalukuyang pinagsasaluhan nina Nobuo Nashiro ng Japan at Vic Darchinyan ng Armenia.
Si Nashiro ay magdedepensa sa kanyang titulo sa Mayo 8 sa Japan laban kay Fidel Hugo Cazares at kung sino ang mananalo rito ang siyang sunod na makakalaban ni Francisco dahil ito ang napagkasunduan ng kanyang promoter na si Ed Anuran at WBA president Gilberto Mendoza.