African Rider sa Stage 2
MANILA, Philippines - Tila humugot ng lakas sa matingkad na sikat ng araw si South African Pieter Seyffert upang daigin si Japanese Junpel Murakami at Filipino Arnel Quirimit sa rematehan para mapagharian ang Stage 2 Circuit race sa 2010 Le Tour de Filipinas na nagsimula at nagtapos sa Rajah Sulaiman Park sa Roxas Boulevard kahapon.
“Its very important win for us because this is our first win for the season. It will serve as a morale booster to us,” masayang sinabi ng 22-anyos na si Seyffert na kabilang sa Team DCM.
“The heat was not a problem because in South Africa we also have the same heat. We are coming from summer where usual temperature is at 35 to 40 degrees,” paliwanag pa nito sa kung bakit walang epekto ang init sa ginawang pagdiskarte sa karera.
Magkakasama sina Seyffert, Murakami, Quirimit at dalawa pang Pinoy na si Oscar Rendole at Alfred Asuncion sa lead pack matapos ang ikalawa sa limang ikot na karera na kung saan ang isang ikot ay nasukat sa 12.1 kilometro.
Sa huling lap ay kumawala ang tatlo pero sa huling 500m ay tumudo na ang dalawang dayuhan. Ngunit may pangalawang buhos pa si Seyffert para kunin ang lap win at ang gantimpalang P84,000 na inilaan ng nag-oorganisang Dynamic Outsource Solutions Inc. (DOS-I) at handog ng Tanduay sa tulong ng Air21 at Smart.
Ang limang siklista ay naorasan ng isang oras, 12 minuto at 12 segundo habang ang nalalabing siklista ay nakasama sa peloton na tumapos sa pangalawang grupo sa bilis na 1:21:50.
Kasama nga sa tumapos sa ikalawang grupo ay ang nagkampeon sa stage one na si David McCann ng Giant Asia Riding Team.
Pero hindi nahubad sa 37-anyos Irishman ang yellow jersey papasok sa stage three ngayon dahil kasama niyang pumasok sa meta ang iba pang kasama sa top five tulad nina Lloyd Lucien Reynante ng 7-Eleven at Baler Ravina ng Team Pilipinas-Batang Tagaytay na kapos lamang ng 2:34 at 2:36.
Ang Stage 3 ngayon ay isang 146.60 kilometer road race mula Quezon City hanggang Subic at alam ni McCann na kailangan niyang magbantay sa ibang siklistang puwedeng makaagaw pa sa kanyang hangad na titulo.
Dahil sa patuloy na mainit na pagsakay ng American Vinyl, nangunguna pa rin sila sa Team Classification at mayroon na sila ngayon na isang 1:58 segundong bentahe sa Smart sa team race.
Si Baler Ravina ng American Vinyl ay nakakaungos kung labanan sa Young Rider award ang pag-uusapan dahil angat pa siya ng 2:11 laban kay Van Rensburg para sa kategorya.
- Latest
- Trending