MANILA, Philippines - Malalaman na ang walong mapalad na batang edad 12 hanggang 14 na lumahok sa Jr. NBA Program sa Manila na mabibigyan ng pagkakataon makapanood ng live ng isang NBA game sa taong ito.
Si NBA Legend BJ Armstrong at US Jr. NBA coach Frank Lopez ay nasa bansa upang siyang sumuri sa mga batang karapat-dapat na mapabilang sa mabibigyan ng ganitong karanasan na gagawin ngayon sa Jose Rizal University Gym.
Umabot sa 40 ang lumahok sa taong ito at sa huling tatlong araw ay sumailalim ang mga kasali sa mga drills at seminars na nakasentro sa kalusugan, tamang nutrisyon at tamang pag-inom ng tubig upang makaiwas sa dehydration.
Si Lopez, na nangangasiwa ng mga training camps sa NBA teams tulad ng Orlando Magic at Dallas Mavericks ay nasa bansa sa ikatlong sunod na taon pero unang pagkakataon ito na isang basketball legend tulad ni Armstrong ang makakasama sa pagsuri sa mga sumali sa camp.
Ang iba pang Jr. NBA coaching staff ay sina PBA Legends Ronnie Magsanoc, Benjie Paras, Elmer Cabahug at Cadel Mosqueda.
Ang JR. NBA Philippines ay iprinisenta ng Hi-Smart Multi-vitamins at suportado ng Gatorade, Basketball TV, Mitsubishi Motors, Hotel Marriott Manila, SM Super malls, Spalding at DepEd.