MANILA, Philippines - Patatagin ang puwesto sa susunod na yugto ng kompetisyon sa 7th Shakey’s V-League ang hangad ngayon ng Lyceum at Adamson sa pagpapatuloy ng aksyon sa The Arena sa San Juan City.
Katunggali ng Lyceum ang wala pang panalong St. Benilde sa unang aksyon ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng tagisan ng Adamson at University of San Jose Recoletes ng Cebu dakong alas-4 ng hapon.
Ang apat na koponang nabanggit ay kasama ng pahingang Ateneo sa Group A at ang Lady Pirates ay magsosolo sa liderato kung manalo sa Lady Blazers.
Pinapaboran ang Lyceum lalo nga’t nakitaan ng husay ang kinuhang Thai import na si Porntrip Santrong na nagpakawala ng 27 puntos para tulungan ang koponan na makabangon buhat sa 1st set kabiguan at kunin pa ang 19-25, 25-21, 25-17, 25-21, panalo sa Adamson.
Kung mapapanatili ni Santrong ang mainit na paglalaro at makukuha pa rin ang suporta buhat kina Joy Cases, Dahlia Cruz at Nica Guliman ay manganganib na ang Lady Blazers dahil isa pang kabiguan ay maglalagay sa kanila sa isang paa sa hukay sa maagang eliminasyon sa torneong inorganisa ng Sports Vision at iprinisenta ng PLDT MyDSL at handog ng Shakey V-League.
Tanging ang apat na mangungunang koponan sa magkabilang grupo ang aabante sa quarterfinals sa torneong binigyan din ng ayuda ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.
Ang Adamson naman ay hinahanap ang ikalawang sunod na panalo matapos unang mabigo sa Lyceum.
Sina Angela Benting at dating MVP Nene Bautista ang mangunguna sa Lady Falcons sa pagharap sa Lady Jaguars na magbubukas naman ng kanilang kampanya sa torneo.
Papasok ang Adamson buhat sa 25-11, 25-14, 23-25, 25-22, panalo sa St. Benilde sa huling laro.